MAYNILA — Dinala sa mga ospital sa Maynila at Pasay City ang lampas 10 estudyante matapos sila masugatan sa sumabog at nasunog na laundry shop sa Malate, Lunes ng gabi.
Matapos ang pagsabog ay nagkaroon ng sunog pasado 7:30 ng gabi at naapula ng 7:34 ng gabi.
Kabilang sa mga nasugatan ang 1st year college student na si Kurt Bucad. Aniya, naghahapunan sila sa katabing kainan nang may narinig silang malakas na pagsingaw.
"Then suddenly, nag-stop yung hiss tapos kami back to normal hinihintay pa namin yung extra rice namin tapos after 1 or 2 minutes biglang sumabog. Yung dalawa kong friends may tama sa mukha ng sharp objects," ani Kurt.
Nagtamo ng sugat sa braso at kamay si Kurt.
Nakabenda naman ang kaliwang kamay ng isa pang estudyante na si Reuven, na kumakain din malapit sa sumabog na laundry shop.
"Natabunan po ako ng wall while eating kasi may sumabog. It’s Plywood na may metal," aniya.
Nasa 15 ang total na dinala sa pagamutan, ayon sa pulisya.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na gas leak ang pinagmulan nang pagsabog.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.