TINGNAN: Cruise ship na may sakay na mga Chinese dumaong sa Olongapo

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 08:16 AM | Updated as of Jan 30 2020 08:55 AM

Ilang mga residente ng Olongapo City ang umalma matapos maiulat ang pagdaong ng cruise ship na may sakay na mga Chinese at iba pang mga foreign national sa Subic Bay Freeport Zone.

Nagsagawa ng protesta ang ilang mga taga-Olongapo City para tutulan ang pagdating ng barko nitong Miyerkoles.

Nangangamba kasi sila sa posibleng pagdapo ng novel coronavirus o 2019-nCoV​ na sinasabing wala pa umanong lunas at nakamamatay.

Ayon kay Jong Cortez, vice mayor ng naturang siyudad, nais lamang ipakita ng mga residente ang kanilang pagnanais na maging ligtas ang kanilang lugar sa kumakalat na virus.
 
“Sa parte ng chairman ng [Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA)] ‘yon lang naman ang inaantay niya is for her to explain doon sa ship agent na we cannot assure your safety while you are here in Subic because there are people na are against the ship visit for now,” ani Cortez. 

Hindi na rin daw umano nakapag-doktor ang mga sakay ng cruise ship.

Paglilinaw naman ni Atty. Wilma Eisma, chairwoman at adminisitrator ng SBMA, matagal ang pakiusapan sa Genting Cruise Lines para ikansela ang pagdaong ng World’s Dream.

“I have been in ongoing discussions with the cruise ship and Sec. [Francisco] Duque since Monday whether or not the cruise ship will be coming here .... ang katotohanan lang is that Genting Cruise Lines has other issues … It’s a very long process going back and forth, it was not easy,” ani Eisma. 

Iniutos na ng SBMA ang pansamantalang pagpapatigil sa ship visit ng mga cruise ship. Naka-heightened alert na rin ang buong port ng Subic maging ang Subic Bay International Airport.

“We have tripled almost quadrupled deep laid of protection on the matter,” ani Eisma.

Binuo na rin ang task force 2019-nCoV​ para sa implementasyon ng mga frontline safety protocol kaantabay ang Bureau of Quarantine.-Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.