Sako para sa abo, hiling na donasyon sa paglilinis sa Taal

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 02:57 PM | Updated as of Jan 30 2020 04:22 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Muling kumakatok ng tulong ang awtoridad sa publiko para naman sa donasyon na mga sako na paglalagyan ng mga nahakot na abo mula sa pagsabog ng bulkang Taal.

"Sana mag-donate pa po ng mga sako, kailangang-kailangan po ng mga kababayan natin," ayon kay Brig. Gen. Marcelino Teofilo, chief ng Joint Task Force Taal.

Sa panayam sa DZMM Huwebes ng umaga, sinabi ni Teofilo na nangangailangan pa ng mga sako ang mga residente at mga pulis, sundalo at coast guard na tumutulong sa kanila sa paglilinis para sa pagkolekta ng mga naipong abo at buhangin mula sa ash fall.

Matatandaang umulan ng abo sa ilang bayan at siyudad sa Batangas, mga karatig-probinsiya at maging sa Metro Manila matapos ang pagsabog ng bulkan noong Enero 12.

"'Yung mga napapala nila naiipon sa mga daan kaya kapag pinabayaan, 'pag umulan, babalik ulit. The best thing is hakutin talaga ito," sabi ni Teofilo. 

Nilinaw naman niya na hindi ipu-pullout lahat ng mga pulis at sundalong ipinadala bilang augmentation security forces sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng bulkan.

Ito'y matapos ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkoles na mag-pullout na ang mga sundalo at pulis na nagsilbing dagdag-bantay sa mga bayan malapit sa bulkan. 

"Just to be clear po, hindi aalisin ang mga pulis at mga sundalo, nandiyan pa rin pero ito kasi 'yung mga nag-reinforce nun at least maka-rotate po para makapagpahinga at mabisita rin nila [ang] kani-kanilang pamilya," paliwanag niya.

Nagsasagawa umano sila ngayon ng rotation para pauwiin ang mga sundalo at pulis na mula sa ibang lugar na may higit dalawang linggo na ring naitalaga sa mga bayang malapit sa bulkan.

"Nakababad, naka-expose 'yung mga sundalo, mga pulis at coast guard natin diyan so kailangan makapagpahinga din," sabi niya. 

"At 'yung ibang tropa natin na gusto rin magserbisyo ay makapagserbisyo rin at makatulong rin sa mga kababayan natin diyan sa Batangas."

Magugunitang ipinag-utos ni Duterte ang pag-recall sa mga pulis at sundalong nagsilbing reinforcement sa Batangas. 

Hahayaan naman ni Duterte ang lokal na pamahalaan at pulisya sa pagpapatupad ng batas sa lugar.

Nananatili sa Alert Level 3 ang kalagayan ng bulkan na posibleng magdulot ng mababang posibilidad ng hazardous eruption.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.