Recruiters ni Mary Jane Veloso guilty sa hiwalay na kasong illegal recruitment

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 05:49 PM

MAYNILA — Hinatulang guilty sa kasong large-scale illegal recruitment ang 2 recruiter ni Mary Jane Veloso, ang Pinay na kasalukuyang nasa death row ng Indonesia dahil sa pagpupuslit ng droga.

Ang verdict laban kina Cristina Sergio at Julius Lacanilao ay para sa kaso ng iba pang mga biktimang sina Lorna Valino, Ana Marie Gonzales, at Jenalyn Paraiso, at walang kinalaman kay Veloso.

Ikinatuwa ng grupong Migrante International ang hatol kina Sergio at Lacanilao at sinabing magagamit ito para mapatunayang wala talagang sala si Veloso.

"The outcome of this case shows her innocence and the justness of her desire to be free," anila.

Nahuli si Veloso na may nakakubling 2.5 kilo ng heroin sa kaniyang bagahe nang lumapag siya sa Yogyakarta airport sa Indonesia pero iginiit niyang galing kay Sergio ang naturang maleta.

Taong 2010 nang hatulan ng kamatayan ang Pinay at 2015 sana bibitayin ito pero napigil dahil sa panawagan ng gobyerno ng Pilipinas na sinamahan pa ng mga protesta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.