P1M halaga ng ilegal na droga, nasabat sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 05:52 AM

Aabot sa mahigit P1 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa ikinasang buy-bust operation ng Batasan Police Miyerkoles ng hapon sa Barangay Payatas A, Quezon City.

Ayon kay Police Lt. Col. Romulus Gadaoni ng Quezon City Police District Station 6, nalambat din nila sa operasyon ang suspek na si alyas Dennis na nasa drug watchlist at dati nang nakulong dahil din droga.
 
Isa umano si alyas Dennis sa nagsusuplay ng ilegal na droga sa Everlasting St. kung saan pawang mga driver ang kanyang mga parokyano.

Gamit ang P15,000 "boodle money" ay nakipagtransaksyon ang mga pulis alas-5 ng hapon sa suspek.

Nasamsam sa suspek ang 150 gramo ng hinihinalang shabu.
 
Aminado naman ang suspek na nagtutulak siya ng ilegal na droga.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.-Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.