Mag-asawang senior patay sa pananaksak sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 02:12 PM

MAYNILA — Natagpuang patay at tadtad ng mga saksak ang katawan ng isang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City noong gabi ng Miyerkoles, ayon sa pulisya.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), natagpuan ang mga bangkay nina Leonardo Ollana, 69, at Nida Ollano, 63, ng kanilang manugang sa loob ng bahay sa Barangay Commonwealth bandang 8:45 ng gabi.

Ilang beses kumatok sa bahay ang manugang pero walang sumasagot kaya inakyat niya ang ikalawang palapag ng gusali at doon nakita ang mga bangkay ng mga biyenan, ayon sa ulat.

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnan umanong anggulo ng pulisya sa pagpatay sa mag-asawa lalo at nawalan ang mga ito ng P100,000, gold necklace, at cellphone.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.