Klase sa ilang paaralan sa Aklan, suspendido dahil sa banta ng coronavirus

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 08:43 PM | Updated as of Jan 30 2020 10:05 PM

MANILA - Ilang paaralan sa bayan ng Kalibo sa Aklan ang nagsuspinde ng klase nitong Huwebes bilang pag-iingat sa banta ng 2019 Novel Coronavirus o 2019-nCoV.

Ayon kay Mayor Emerson Lachica, minabuti nilang kanselahin ang pasok upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante, mga guro at mga kawani ng mga eskuwelahan na malapit sa pasilidad kung saan inoobserbahan ang 11 Chinese nationals na galing Boracay.

“Para hindi na mahirapan yung mga parents nila, ginawan natin ng Executive Order," ayon kay Lachica.

Base sa nakuhang impormasyon ng Department of Health-VI, may history of travel ang mga ito sa Hong Kong, kung saan may mga kumpirmadong kaso na rin ng 2019-nCoV.

“Yung ginawa ng ating gobyerno is kinuha sila doon sa Boracay at saka dinala dito sa bayan ng Kalibo. At saka in-isolate sila sa training center," dagdag ng alkalde.

Ayon naman kay Dr. Mary Jane Juanico, ang pinuno ng Infectious Disease section ng Center for Health Development 6, may direct contact umano ang mga Chinese na bakasyunista sa nagpositibo sa 2019-nCoV sa Hong Kong.

Samantala, maayos na rin ang kalagayan ng 3-anyos na Chinese national na mino-monitor sa isang ospital sa lungsod ng Iloilo.

"Currently, well na ang bata,” sabi ni Juanico. 

Pero kumuha pa rin sila ng blood sample dito na nakatakdang ipadala sa Research Institute for Tropical Medicine para sa karagdagang test. 

Sa ngayon, nananatiling negatibo sa kaso ng 2019-nCoV ang Western Visayas, ayon sa Department of Health. 

Paalala naman ng mga doktor na mahalagang proteksiyunan ang sarili laban sa mga sakit. Kumain ng masustansiyang pagkain, maghugas ng kamay, at kapag may ubo at sipon, takpan ang bibig o magsuot ng face mask. Agad din magpakonsulta sa doktor kapag hindi maganda ang pakiramdam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.