MAYNILA — Nagrereklamo ang mga residente sa isang barangay sa Norzagaray, Bulacan dahil sa masangsang na amoy mula sa isang piggery kung saan higit 50 baboy na raw ang namamatay.
Ayon sa residenteng si Neody Gotiñas, ilang araw nang kumukulo ang kaniyang tiyan dahil sa mabahong amoy na galing sa Eco Agro Farm sa Barangay FVR.
"Napakasangsang na amoy... Chineck namin madami na palang patay na baboy."
Si Marcilla Viray, nangangamba para sa kalusugan niya at ng kaniyang mga kapitbahay.
"Sobrang amoy talaga sa gabi... Nag-aalala rin ako kasi marami kaming matatanda sa lugar na 'yan at mga bata," ani Viray.
Sa loob ng farm makikita ang malalaking kulungan ng baboy at sa loob nito ay mga patay at nabubulok na inahin.
May isa pang patay na baboy na nasa labas na kinakain na ng aso. May ilang baboy na buhay pa pero nanghihina na.
Ang mga residenteng umusisa, di na napigilang masuka.
Ayon sa tauhan ng farm, inihahanda na ang paglilibingan ng mga baboy.
Nakausap na ng chairman ng barangay ang may-ari ng farm na kinilala bilang "Mr. Ong" at sinabi daw nitong napabayaan ang mga baboy matapos umalis ang kaniyang mga tauhan.
"Pagkakaalam ko nilayasan po siya ng mga tauhan," ani Bgy. FVR chairman Carlito Teboso.
Ayon sa imbentaryo ng lokal na pamahalaan ng Norzagaray, aabot sa halos 500 ang alagang baboy sa farm at hindi bababa sa 50 ang namatay.
Tumangging humarap sa camera ang may-ari pero nagpakita siya ng dokumento na nagpapatunay umanong hindi sa African swine fever (ASF) namatay ang mga baboy.
"Pneumonia" umano ang ikinamatay ng mga baboy at nagkahawahan dahil pinabayaan ng kaniyang mga tauhan.
Pero ayon sa alkalde ng Norzagaray, hihintayin muna niya ang resulta ng pagsusuri ng provincial veterinary office sa blood sample ng mga baboy kaya naka-lockdown muna ang babuyan ni Ong.
"Pinabantayan ko sa taumbayan at pulis na walang makakalabas kahit na anong uri ng baboy na manggaling sa kanilang babuyan," ani Norzagaray, Bulacan Mayor Fred Germar.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, ASF, African swine fever, baboy, Norzagaray, Bulacan