ALAMIN: Parusa sa magpapalabas ng malalaswang pelikula sa mga bus

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 02:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagbabala ang pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na may kalalagyan sa batas ang sino mang magpapalabas ng malalaswang pelikula sa pampasaherong bus. 

Ayon kay MTRCB chairperson Maria Rachel Arenas sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM, dapat rated "G" o "PG" lamang ang ipinapalabas na pelikula ng mga bus. 

Batay sa MTRCB website, ang G-rated film ay nangangahulugang akma ito para sa lahat ng edad. 

Ang mga PG-rated film naman ay mga pelikulang kinakailangan ng gabay ng magulang. 

Ang mga nasabing rating lamang kasi ang akma para sa lahat ng edad, lalo na aniya at may mga batang sumasakay din sa bus. 

Alinsunod ito sa mga patakaran ng ahensiya. 

Ayon kay Arenas, nagsasagawa sila ng mga inspection at seminar sa mga terminal at bus companies para masigurong akma ang ipinalalabas nitong mga pelikula o palabas. 

Kinukumpiska rin umano nila ang flash drive na naglalaman ng mga pelikulang malalaswa. 

"Meron kaming wina-warn tapos pina-fine namin later... Sapat lang para magtanda," ani Arenas. 

Iba rin aniya ang parusa kung mapapatunayang "pirated" ang kopya ng pelikulang ipinapalabas sa mga bus. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.