PNP: 2 nahagip sa CCTV sa Jolo bombing, inosente

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 11:04 PM | Updated as of Jan 30 2019 11:31 PM

Nilinaw ng Criminal Investigation and Detection Group Region 9 na wala ring kinalaman sa pagpapasabog sa Jolo cathedral ang huling dalawang lalaking lumutang sa Sulu Police Provincial Office.

Ayon sa CIDG, nalinaw sa kanilang ginawang pagtatanong sa dalawa na sila ay nahagip lamang ng camera.

Ang dalawang huling sumuko ay ang nakasuot ng itim na t-shirt at may sunglass na nakalagay sa ulo habang ang isa naman ay naka-checkered na polo.

Magpinsan ang dalawa at residente ng Barangay Takut-Takut at Barangay Bus-Bus.

Nagbabantay umano sila sa isang kaanak na nasa ospital at mag-aagahan sana sa isang restaurant doon.

Bago ito, pinauwi na rin ang dalawa ring lalaki na unang lumutang sa pulis.

Sila ang naka-green na jacket sa bidyo na nagpakilalang estudyante, at ang naka-pulang bag at stripes na damit at nagpakilala namang isang guro.

Ayon sa CIDG, pinagharap ang apat at nalaman ding hindi talaga sila magkakakilala at hindi rin sila nag-uusap noong panahong iyon.

Kumbinsido na ang awtoridad na inosente sila at inalis na sila sa listahan ng persons of interest.