Piling OFWs papayagan nang bumalik sa Libya

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 07:31 PM

Inalis na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang deployment ban sa Libya para sa mga balik-manggagawa o mga overseas Filipino workers (OFW) na dati nang nagtrabaho sa naturang bansa.

Ito raw ay dahil ibinaba na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Crisis Alert Level 3 sa Crisis Alert Level 2 sa kanilang travel advisory guide sa kasagsagan ng nangyayaring gulo sa capital nito na Tripoli. 

Sa ilalim ng GB Resolution 1 na nilagdaan ng pamunuan ng POEA at ni Labor secretary Silvestre Bello III, papayagan na ulit ang pagproseso at deployment ng mga balik-manggagawa sa Libya matapos ang deployment ban. 

Sa ilalim kasi ng Crisis Alert Level 3, awtomatiko na nagpapatupad ng deployment ban ang POEA. 

Gayunpaman, kasama pa rin sa deployment ban ang mga bagong-hire na trabahador at mga seafarer. 

Ayon sa POEA, tatanggalin lamang ang deployment ban sa mga bagong hire kapag bumaba na sa Alert Level 1 ang advisory ng DFA.

Magugunitang nagpataw ng total deployment ban ang POEA sa pagde-deploy ng mga trabahador sa Libya noong Nobyembre kasunod ng mga nangyayaring gulo. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.