PatrolPH

Mga residente, turista kaniya-kaniyang diskarte kontra lamig sa Baguio

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 05:16 PM

Mga residente, turista kaniya-kaniyang diskarte kontra lamig sa Baguio 1
Ayon sa isang ukay-ukay vendor, patok sa kanila ngayon ang mga jacket dahil sa lamig ng panahon sa Baguio. Screengrab

Kaniya-kaniyang diskarte ang mga residente at turista para labanan ang malamig na temperatura sa Baguio, na nitong alas-6:30 ng umaga ng Miyerkoles ay bumagsak sa 9.0 degrees Celsius.

Ito na ang pinakamababang temperaturang naitala sa Baguio ngayong 2019.

Ayon sa state weather bureau PAGASA, hanging amihan pa rin ang nagpapalamig sa buong bansa.

"That is one of the weather systems na nagko-cause ng parang cloudiness and pag-ulan... Pero sa atin sa Cordillera and Luzon, northeast monsoon ang ating weather disturbance. Because of this Siberian wind na sinasabi nila galing sa China mainland," paliwanag ni Leticia Dispo, weather specialist II ng PAGASA.
 
Ayon sa PAGASA, hanggang Pebrero pa mararanasan ang ganoong kalamig na panahon, at posible pang bumagsak sa 7 hanggang 8 degrees Celsius.

DISKARTE

Kaya kahit tanghaling tapat at maaraw, naka-jacket na nagbibisikleta ang turistang si Gladys Barrozo.

"Para rin pagpawisan. Nae-exercise 'yung katawan," ani Barrozo.

Pagnguya naman ng 'momma' ang diskarte ni Randy Benlayan mula Ifugao. Ang momma ay isa umanong alternatibo sa yosi na kadalasang nginunguya lang. 
 
"Nagnganganga ako pero 'yung dinudura ko.. Iniipon ko dito para hindi naman makaperwisyo. Bawal daw dumura sa kalsada," ayon kay Benlayan. 

Ang mga ukay-ukay naman, halos kalahati daw ng kanilang benta ay sa mga jacket at long sleeves na bagsak presyo na. 

"Hinahanap po nila mga trench coat, mga may doble sa loob na jacket. Iyung medyo makakapal," ani Dang Fernandez, isang ukay vendor.

Pinaalalahanan naman ng Department of Health ang mga nasa Baguio na maging maingat sa katawan para makaiwas sa mga sakit dulot ng malamig na panahon. 

—Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.