Lalaki, patay sa sunog sa Bataan

Rod Izon, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 07:47 PM

Nilamon ng apoy ang komunidad sa tabing dagat na ikinasawi ng isang lalaki sa Barangay Capunitan sa bayan ng Orion sa Bataan. Larawan mula sa 1BATAAN/Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office

ORION, Bataan – Isa ang nasawi sa sunog na sumiklab Martes ng umaga sa Barangay Capunitan sa nasabing bayan.

Kinilala ng Bataan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang biktima bilang si Rey Matahon, 45-anyos, residente sa lugar.

Halos 1,000 pamilya ang direktang naapektuhan sa sunog habang inaalam pa ng awtoridad kung ano ang pinagmulan nito.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang suporta ng pamahalaang lokal at panlalawigan sa mga biktima ng sunog na pansamantalang nakatira sa mga evacuation center.

Inatasan din ni Governor Albert Garcia ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Metro Bataan Development Authority (MBDO) at iba pang tanggapan sa lalawigan na tutukan ang pagtulong sa mga biktima ng sunog.

Samantala, nagbukas na rin ng donation drive para sa mga biktima ng sunog. Mayroon na rin donation area na matatagpuan sa 2nd floor ng Bataan Provincial Capitol Building para sa mga taon o grupong nais na magpaabot ng tulong sa mga nasunugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.