Chinese na umano'y nangotong sa negosyante tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang isang lalaking Chinese matapos umanong mangotong sa Filipino-Chinese na negosyante sa Maynila.

Hinuli noong Biyernes ng mga tauhan ng Manila Police District si Qin Hai matapos nitong tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na empleyado ng isang liquor store sa Binondo district.

Noong Oktubre 2018, dumating si Hai sa liquor store dala ang isang kahon na umano ay regalo niya sa may-ari ng liquor store.

Nang buksan ng tauhan ng liquor store ang kahon, napansin na tila granada ang laman ng kahon ng alak, base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV), kaya agad tumawag ng barangay at pulis.

Humingi umano ng P500,000 ang suspek sa may-ari ng liquor store.

Ilang buwan ang nakalipas at hindi nagparamdam ang suspek sa biktima.

Subalit noong Biyernes ay bumalik muli ang lalaki sa tindahan para ipasabi sa negosyante na kukuhanin na niya ang hinihinging pera.

Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang suspek pero sinabi raw nito sa Manila police na napag-utusan lamang siya.

Kinasuhan ang suspek ng grave threat at robbery extortion. --Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.