2 umano'y lider-aktibista inaresto sa Cagayan de Oro

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 05:44 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Inaresto ng mga pulis at sundalo Lunes ang dalawang lider-aktibista at hinihinalang rebeldeng komunista sa Mindanao.

Sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong attempted murder at frustrated murder, inaresto noong Lunes sina Jomorito Goaynon, Northern Mindanao chairperson ng grupong Kalumbay, at si Ireneo Udarbe, regional chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Nakuhanan rin umano ng baril, granada at mga subersibong dokumento ang dalawa.

Ayon sa awtoridad, miyembro ng New People's Army (NPA) sina Goaynon at Udarbe.

"Mayroon silang link sa NPA. Pero hindi natin sila inaresto dahil sa kanilang koneksyon sa NPA kundi dahil sa kanilang warrant of arrest," paliwanag ni Supt. Surki Sereñas, spokesperson ng Police Regional Office 10.

Itinanggi naman ng pamilya ni Udarbe ang mga paratang sa kanila.

"Hindi totoong NPA ang aking asawa. Hindi din ako naniniwala na sa kanila ang mga armas at granada. Gawa-gawa lang ang lahat ng iyan," sabi ni Winifreda Udarbe.

Nauna nang naiulat na nawawala ang dalawang lider bago napag-alamang inaresto na pala ang mga ito.

Nitong Miyerkoles, nagtipon din ang mga progresibong grupo sa Press Freedom Monument sa Capitol Grounds para kondenahin ang pag-aresto sa dalawang kasamahan.

"Ang motibo ng pagkakahuli sa dalawang lider ay dahil inaakala ng mga awtoridad na titigil kami sa pag-iingay laban sa gobyerno lalo na sa usaping land reform at ancestral domain," sabi ni Michael Pineda, spokesperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Northern Mindanao.

Na-commit na sa korte ang dalawa at sinampahan na ng karagdagang kaso na illegal possession of firearms and explosives, paglabag sa Republic Act 9372 o Human Security Act, at paglabag sa election gun ban.

Nangako naman ang National Union of Peoples' Lawyers na tutulong sa kaso nina Goaynon at Udarbe at pananagutin nila ang mga awtoridad na humuli sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.