2 patay sa pagsabog sa mosque sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 11:43 AM | Updated as of Jan 30 2019 07:10 PM

Mga gamit na naiwan sa loob ng isang mosque sa Zamboanga City matapos itong hagisan ng granada nitong hatinggabi ng Miyerkoles. Agence France Presse

(UPDATED) Dalawa ang namatay habang tatlo ang nasugatan nang hagisan ng granada ang isang mosque sa Zamboanga City nitong Miyerkoles.

Ayon kay Colonel Leonel Nicolas ng Joint Task Force Zamboanga, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang naghagis ng granada sa mosque sa Sitio Logoy Diutay, Barangay Talon-talon pasado hatinggabi.

Ang mga biktima ay pawang mga Muslim religious preacher mula sa Basilan at iba pang lalawigan na pumunta sa lugar para magturo ng Islam sa mga bata. Ibiniyahe na ang kanilang mga labi pauwi sa kanilang mga pinanggalingang lalawigan.

Natutulog ang mga biktima nang mangyari ang pagsabog sa mosque, ayon kay Zamboanga City police director Senior Superintendent Thomas Joseph Martir. 

Narekober ng pulis ang pinaniniwalaang lever ng granada at ibang parte nito sa lugar. 

Watch more in iWantTFC

Nangyari ang pagsabog ilang araw matapos ang magkasunod na pagsabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu noong Linggo, na ikinasawi ng 21 tao.

Subalit masyado pa raw maaga para masabi na konektado ang pagsabog sa Zamboanga sa nangyari sa Jolo, ayon kay Colonel Gerry Besana, tagapagsalita ng Armed Forces-West Mindanao Command.

Hiningi ng Commission on Human Rights (CHR) sa gobyerno na panagutin ang mga taong sangkot sa paghagis ng granada.

"We urge the government to make all perpetrators accountable and prevent similar incidents from happening," sabi ni CHR spokesperson Jacqueline de Guia sa isang pahayag.

Tiniyak naman ng Malacañang na ginagawa nila ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa Mindanao.

Nagpahayag din ng pagkondena ang iba't ibang sektor.

Dahil sa nangyari, pinaigting pa ang pagbabantay sa lungsod gaya ng paghihigpit sa mga checkpoint at pagpapasok ng mga tao sa lungsod.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa mga residente na iwasan ang pagpapakalat ng mga mensahe na magdudulot ng pangamba at takot sa publiko. --Ulat nina RJ Rosalado at Liezel Lacastesantos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.