4 lalaki sa CCTV ng Jolo blast sumuko sa PNP

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 02:56 PM | Updated as of Jan 31 2019 02:12 AM

Watch more in iWantTFC

(UPDATED) Sumuko sa mga awtoridad ngayong Miyerkoles ang apat sa mga suspek na kita sa isang CCTV kaugnay ng pagpapasabog sa isang cathedral sa Jolo, Sulu. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command spokesman Lieutenant Colonel Gerry Besana na sumuko ang dalawa pang nahagip ng CCTV sa kasagsagan ng pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral. 

Naunang sumuko nitong umaga ng Miyerkoles sa awtoridad ang dalawang lalaking itinuturo ng militar bilang miyembro ng Ajang-Ajang faction na umano'y nasa likod ng pagpapasabog. 

Kabilang sa mga sumuko ang lalaking naka-ponytail at naka-asul na jacket na kinilala ng militar bilang si alyas "Kamah" na kapatid umano ng Abu Sayyaf leader na si Surakah Ingog. Nakita siya at isa pang kasamahan sa CCTV. 

Suot pa nito ang kaparehong damit sa CCTV footage, kung saan sila nabansagan na mga suspek, na kuha sa isang palengke malapit sa pagsabog. 


Ipinaliwanag ng dalawa na hindi sila ang nasa likod ng pagsabog. 

Ayon sa sumukong noo'y kinilala na si alyas "Kamah," residente siya ng Cebu at namamalengke lang umano sila dahil death anniversary ng kaniyang ama. 

Titingnan ng Crime Investigation and Detection Group (CIDG) ang katotohanan ng salaysay ng dalawang sumuko, na mananatili muna sa kustodiya ng Sulu Police Provincial Office. 

Itinuturong miyembro ng Ajang-Ajang faction ang mga nasa likod ng pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Sulu, na nag-iwan ng 21 patay at 100 sugatan. 

Watch more in iWantTFC

SUICIDE BOMBING? 

Samantala, sinisilip pa rin ang anggulong suicide bombing sa insidente, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana. 

Ayon sa kaniya, may mga iba't ibang parte ng katawan na nakakalat sa simbahan nang mangyari ang pagsabog. 

"The theory of being a suicide bombing or not is andoon pa (still there), it's hanging in the air," aniya sa isang press briefing. 

Hindi rin isinasantabi ng PNP ang posibilidad na suicide bombing ang naganap lalo nang naganap umano ito sa mataong lugar ng simbahan na hindi puwedeng basta-bastang pag-iwanan ng gamit. 

“According to Explosive Ordnance Disposal, the bomb was suspended… ‘yung hindi siya nakapatong sa lupa. Puwedeng hawak siya. Pero there could still be other possibilities,” ani PNP spokesman Bernard Banac. 

Mayroon ding ilang piraso ng katawan na hindi pa hinahanap ng sinumang kamag-anak. 

Pero ayon kay PNP spokesman Bernard Banac, ang malinaw lamang ay ang anggulong terorismo sa nangyaring insidente. 

-- Ulat nina Maan Macapagal, Chiara Zambrano, at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.