2 hinihinalang tulak patay sa drug bust sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 10:59 AM | Updated as of Jan 30 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang umano'y drug pusher ang napatay ng pulisya sa magkahiwalay na buy-bust operation na ikinasa sa Bulacan noong Martes ng gabi.

Unang nagsagawa ng operasyon kontra sa suspek na si Marlon Dalubatan, na nagpapatakbo daw ng drug den sa isang bahay sa Barangay Santor, Malolos, Bulacan.

Sa buy-bust, nakatunog si Dalubatan na pulis ang mga katransaksiyon kaya nakipagbarilan ito.

(PLS EMBED TV PATROL REPORT OF BIANCA DAVA)

"Isinara ang pinto. Malaki 'yung lock sa loob... Pagsipa, pinaputukan pa 'yung pulis," ani Superintendent Emerey Abating, hepe ng Malolos police. 

Patay ang suspek, na bukod sa pagtutulak ay sangkot din umano sa basag-kotse at panghoholdap.

Sampung sachet ng shabu at apat na sachet ng marijuana ang nakuha kay Dalubatan.

Sa San Jose del Monte, Bulacan naman, patay din ang drug suspect na si Mark Anthony Tesoro.

Pinaputukan umano niya ang mga pulis habang sinusubukang magtago matapos magpositibo ang buy-bust kontra sa kaniya.

Ayon sa kapatid ni Tesoro, alam nila ang mga ginagawa ng suspek. Ilang beses na rin nilang pinatigil ang lalaki sa droga pero di umano nakikinig.

Nasa watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Tesoro.

Hinahanap ngayon ang kasama ni Tesoro na nakatakas sa operasyon. —Ulat nina Bianca Dava at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.