#WalangPasok: Klase sa 2 paaralan sa Maynila, suspendido dahil sa rally

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 07:54 AM | Updated as of Jul 30 2019 03:47 PM

Watch more in iWantTFC

Sinuspende ang klase sa Centro Escolar University at San Beda College sa Maynila ngayong Martes dahil sa nakaamabang dispersal ng mga nakakampong raliyista sa tapat ng Mendiola Peace Arch. 

Tinutuligsa ng mga raliyista na mula sa grupong Balikwas Kadamay ang umano'y marahas at sapilitang demolisyon ng kanilang mga bahay sa floodway sa Pasig nitong Oktubre 2017. 

Tatlong buwan na silang naninirahan sa mga temporary shelter sa Mendiola Peace Arch matapos ang demolisyon. 

Pinili nilang mag-picket sa lugar dahil malapit anila ito sa Malacañang at mas madaling makikita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang pangangailangan sa maayos na matitirahan.

Ayon sa tagapagsalita ng Balikwas Kadamay, may inialok naman sa kanila na lupa sa Calauan, Laguna at Tanay, Rizal, pero hindi nila ito tinanggap dahil malayo sa kanilang kabuhayan at paaralan.

Handa naman umano silang makipagdiyalogo sa mga awtoridad. 

Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.