SAPUL SA CCTV: Buntis, nakaladkad ng riding-in-tandem

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 08:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nahuli nitong Martes sa Maynila ang dalawang suspek na nakakaladkad ng isang buntis na tinangka nilang nakawan habang sakay ng motorsiklo.

Natunton ng Manila police si Nathaniel Vinarao, 22 anyos, at ang isang menor de edad sa isang follow-up operation matapos silang makuhanan ng CCTV na nanghahablot habang lulan ng motorsiklo.

Unang inireklamo ang dalawa noong Lunes matapos nilang hablutin ang handbag na bitbit ng walong buwang buntis na si alyas "Gigi" sa Barangay 315, Santa Cruz.

Unang humampas sa kongkreto ang tiyan ng buntis bago ito nakaladkad ng mga suspek.

Nagtamo ng sugat si Gigi, at oobserbahan pa sa ospital sa mga susunod na linggo.

Nangangamba si Gigi para sa sanggol na nasa kaniyang sinapupunan.

"Hindi na sila namimili kasi kita naman nilang buntis ako," sabi ni Gigi sa panayam ng ABS-CBN News.

Nabatid din na taga-katabing barangay lang pala ang mga suspek.

"Ito palang mga suspek na ito ay nandidito lang sa kabilang barangay natin," ani Emil Jimenez, kapitan ng Barangay 315.

Nagmakaawa ang mga suspek na mapatawad sa nangyari dahil biro lang naman dapat umano ang lahat.

"Bibiruin ko lang," ani Vinarao. "Biglang sumubsob, 'di ko naman totally kukuhanin 'yong bag niya."

Nahuli rin si Matthew Onde, 19 anyos, na kasamahan ng dalawa.

Nakumpiska mula kay Vinarao ang isang kalibre .38 na baril at mga bala.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery holdup, physical injury, at paglabag sa Republic Act 10591 dahil sa nakumpiskang baril.

Ipauubaya naman ang menor de edad na suspek sa Department of Social Welfare and Development.

Ayon sa pulisya, magdadagdag sila ng mga rumorondang puls sa lugar.

-- Ulat nina Kevin Manalo at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.