Paslit, hinayaan ng ina sa bubong ng tricycle na umaandar

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 10:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isinailalim sa sikolohikal na pagsusuri ang inang hinayaan ang anak na manatili sa bubong ng umaandar na tricycle sa San Juan, Batangas.

Natunton ng mga awtoridad ang ginang matapos kumalat sa social media ang video na in-upload noong Enero 26 ni Kirby Alvarez.

Sa video, makikitang nasa bubong ng tricycle ang batang hinahawak-hawakan lang ng kaniyang inang nakaupo sa likod ng drayber.

Tila hindi rin pansin ng tricycle ang panganib sa bata dahil nag-overtake pa ang tricycle sa sinusundang jeep.

Iang beses nawalan ng balanse ang bata hanggang sa napaupo pa.

Pumayag ang uploader na ipagamit ang video pero hindi na siya nagbigay ng panayam sa harap ng kamera.

Sabi ng uploader, ilang beses niyang binusinahan at pinailawan ang tricycle para bigyang babala.

Pero dahil hindi siya pinapansin, nagpasya siyang kuhanan ito ng video.

Dinala na ang ginang at ang kaniyang anak sa Philippine Mental Health Association sa Lipa, Batangas para matingnan ng espesyalista.

"Hindi naman niya [bata] alam 'yon kasi puwedeng para sa kaniya, laro lang ito," ani Hazel Magpantay, psychologist ng PMHA sa Batangas.

Napaiyak naman ang ginang habang iginigiit na hindi niya intensiyong ilagay sa peligro ang bunsong anak.

"Hindi ko po akalain na mangyayari 'yon, pero di ko po kayang pabayaan ang mga anak ko," anang ginang.

Pero ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng San Juan, Batangas, responsibilidad ng inang tiyakin ang kaligtasan ng anak.

"Dapat inaalagaan ang bata, hindi dapat inilalagay sa isang sitwasyon na mapupunta siya sa isang panganib," ani Arnold Enriquez ng MSWDO.

Napag-alamang nasa pangangalaga pala ng lola ang bata.

Dinala lang siya ng inang minsan sa isang linggo kung umuwi dahil naghahanapbuhay at nagbebenta ng mga damit sa mga karatig-bayan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nakadepende ang susunod nilang aksiyon sa magiging resulta ng psychological evaluation na isasagawa sa nanay ng bata ngayong Martes.

-- Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.