Pangamba sa bakuna dahil sa Dengvaxia, pinawi

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 09:52 AM

Nagaalinlangan ang ilang mga magulang sa Davao City na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas dahil na rin sa takot na matulad sa nangyari sa dengue vaccine o Dengvaxia. Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

DAVAO CITY – May pangamba na ang ilang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil na rin sa naunang lumabas na problema hinggil sa dengue vaccine o Dengvaxia.

Nitong Lunes, nag-deklara ng measles outbreak sa Davao City at agad na nagsagawa ng outbreak response immunization and City Health Office (CHO) sa barangay health centers.

Nagbahay-bahay din ang CHO para hikayatin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas.

Bagama't libre ang bakuna, may ilang mga magulang ang nagdadalawang-isip pa rin magpa-bakuna. Nababahala sila na baka matulad ito sa kaso ng Dengvaxia.

Sa kabila ng takot, ipinaintindi naman ng mga taga Department of Health at CHO, na iba ang kaso ng Dengvaxia at magkaiba ang anti-measles vaccine. Siniguro nilang ligtas at epektibo ang bakuna laban sa tigdas.

Para mas mapaigting pa ang awareness campaign sa tigdas, nagsagawa ng forum kahapon ang CHO na dinaluhan ng kapitan ng mga barangay sa Davao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.