Oplan Tokhang sa QC: Pari, kasama ng mga 'Tokhangers'

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 06:59 PM | Updated as of Jan 30 2018 08:57 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sinamahan ng isang parish priest nitong Martes ang mga tauhan ng Quezon City police na magsagawa ng mga operasyon kontra ilegal na droga sa Barangay Krus na Ligas.

Kabilang sa mga pinuntahan ng mga "tokhangers," tauhan ng barangay, at ni Fr. Marvin Pajarillaga ng Holy Cross Parish ang mga dati nang sumuko sa "Oplan Tokhang."

Ikinatuwa ng mga residente ang pagsama ni Pajarillaga dahil napakakalma umano nito ang mga binibisita ng pulisya.

"Ang simbahan ay isa sa mga institusyon na nakikita nating sumusuporta sa programa ng gobyerno," sabi ni Pajarillaga sa panayam ng ABS-CBN News. 

"Pero ang gusto ng simbahan ay maging maayos ang pagbabago ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na droga," dagdag ng pari.

Lunes nang muling ikasa ng Philippine National Polce (PNP) ang mga operasyon kung saan kumakatok sila sa pintuan ng mga hinihinalang sangkot sa droga para pakiusapan silang huminto sa ilegal na gawain.

Nasa 200 hinihinalang sangkot sa droga ang nasa listahan ng Barangay Krus na Ligas, na target bisitahin ng mga "tokhangers."

Samantala, ipinahayag naman ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa ang pagiging kuntento sa unang araw ng pagbabalik ng Tokhang.

"So far, so good. Wala tayong nakikitang problema sa reimplementation ng Tokhang," sabi ni Dela Rosa sa mga mamamahayag nitong Martes.

Umaasa si Dela Rosa na magtutuloy-tuloy ang pagpapatupad sa maayos na programa.

Drug ops

Sa kabila ng kampanya, may ilan pa ring patuloy sa paggamit at pangangalakal ng ilegal na droga sa Quezon City.

Nitong Martes ng madaling araw, pito ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lungsod.

Sinalakay ng mga pulis ang bahay ng isang mag-live-in partner sa Luzon Avenue, Culiat.

Nakuha mula sa mga suspek ang hinihinalang shabu na tinatayang nasa P70,000 ang halaga.

Aminado naman ang dalawang suspek sa krimen.

Lima katao naman ang nahuli sa gitna ng drug session sa Commonwealth Avenue, Old Balara.

Isang concerned citizen umano ang nagsumbong sa pulisya kaya natunton ang mga suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.