Ilang resort, 'sumasalo' sa ash fall ng Mayon

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa mga residente, apektado rin ng makapal na abong ibinabagsak ng Bulkang Mayon ang mga resort sa mga bayang malapit sa paanan ng bulkan.

Sa Guinobatan, umaaray ang mga may-ari ng mga resort dahil apektado ng nag-aalborotong bulkan ang kanilang hanapbuhay.

Isa na rito ang Casa Basilisa Resort kung saan maraming booking ng mga turista ang nakansela.

Maging ang swimming pool ng resort ay binagsakan ng abo.

"Ngayon po 'di muna kami nakakapag-ano sa pool kasi apektado po talaga ang pool namin," anang resort staff na si Janice Ronda. 

Sarado rin ang mga resort na nasa loob ng nine-kilometer extended danger zone.

Halos zero visibility naman sa bayan ng Camalig matapos itong mabalot ng abo noong Lunes ng gabi. 

Sarado ang mga bahay at may namigay ng mga face mask sa mga motorista. 

Umabot din sa mga evacuation center ang abo.

Ang lumikas na si Concepcion Realubit, sinamantala na makapagluto nang maaga habang hindi pa mahangin.

Sa labas kasi siya nagluluto at nangangamba siyang malagyan ng abo ang kaniyang pagkain.

"Maaga po para walang abo," ani Realubit.

Nababahala naman si Evany Palisa para sa kalusugan ng kaniyang bagong silang na sanggol.

Sa kabila ng posibilidad ng mapaminsalang pagsabog ng bulkan, may ilan pa ring nananatili sa loob ng danger zone.

Kabilang dito si Conrado Poblete, na namatayan ng ama noong Linggo.

Dahil nasa evacuation center ang mga kapitbahay, halos pamilya lang ni Poblete ang nasa lamay sa loob ng danger zone.

"Mahirap talaga gawa noong nasa lamay, mangilan-ilan lang kaming tao," ani Poblete.

Tuloy naman ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan.

Nagpatupad ng emergency employment program ang Department of Labor and Employment para sa libo-libong evacuee. 

Sa ilalim nito, bibigyan ng trabaho ang bawat pamilya sa loob ng evacuation center na may P290 kada araw na sahod sa loob ng 10 araw.

Sinimulan na rin ng Department of Trade and Industry, katuwang ang ilang kompanya, ang pagbebenta ng mga produktong may diskuwento para sa mga evacuee. 

May NFA rice, libreng gupit, manicure at pedicure din ang mga evacuee.

May libreng wifi at tawag namang hatid ang isang telecommunication company sa mga evacuation center.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.