Dognap for ransom? Kasambahay nagnakaw, nagpatubos ng alagang aso sa amo

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 10:11 AM | Updated as of Jan 30 2018 11:28 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Inaresto ang isang kasambahay matapos nakawin ang alagang aso ng amo at ipatubos ito sa Barangay Concepcion sa Malabon nitong Lunes.

Walong taon nang alaga ng biktimang si "Billy" ang kaniyang shih tzu, pero bigla itong nawala noong Enero 15. Kasunod nito, nawala rin ang kasambahay na si Angeline Mendoza.

Nitong Lunes ng gabi, nag-text si Mendoza kay Billy na tubusin ang kaniyang aso sa halagang P9,000.

Nagsumbong ang biktima sa mga pulis, na nagkasa naman ng entrapment operation. Nabawi nila ang alagang aso at nadakip ang kasambahay at kasama nitong si Edsmar Naba.

"Ibinibenta n'ya (Mendoza) pala ang aso sa iba, kaso di maibenta," ani Billy.

"Sobra ginagawa n'yo sa akin tapos kanina pababayaran n'yo pa sa akin 'yung aso," sumbat niya sa mga suspek.

Itinanggi ni Naba at Mendoza ang krimen. Gayunman, mahaharap pa rin sila sa kasong robbery extortion.

"Sa mga kumukuha ng kasambahay, kilatisin 'yung kanilang kasambahay nang hindi na maulit itong nangyari sa biktima natin," payo ng imbestigador na si PO3 Julius Mabasa.

Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.