2 binatilyo, nakaligtas matapos dukutin, pagbabarilin sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 05:29 PM


Dalawang binatilyo ang natagpuang sugatan sa isang kalsada sa Calamba City Martes ng madaling araw matapos umanong dukutin at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin.

Nakitang nakahandusay sa isang kalsada sa Barangay Makiling, Calamba ang mga biktimang sina alyas "Tristan" at "Jerome," kapwa 16 anyos.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima, na agad isinugod sa Calamba Medical Center para lapatan ng lunas.

Batay sa salaysay ng mga biktima, dinukot sila ng mga hindi kilalang salarin sa Los Baños, Laguna, karatig-bayan ng Calamba. Isinakay umano sila sa hindi matukoy na sasakyan at piniringan.

Naramdaman na lang umano ng mga biktima na itinulak sila palabas ng sasakyan at pinagbabaril ng paulit-ulit.

Pinagbintangan umano silang mga magnanakaw ng mga taong dumukot sa kanila.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang pagkakakilanlan ng mga dumakip at namaril sa mga binatilyo.

-- Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.