2 kaso ng pandurukot sa mga menor de edad, naitala sa Naga City

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2017 06:56 PM

NAGA CITY — Sa kabila ng dinanas dalawang Sabado na ang nakararaan, nakakapaglaro na parang walang nangyari ang 8 taong gulang na batang si "Junior," hindi totoong pangalan.

Mag-isa siya bandang alas-2 ng hapon noong Enero 21 nang biglang dukutin ng mga naka-bonnet sakay ng puting van.

Pinababa din daw siya ng mga ito matapos mapulsuhan.

Pero habang nasa loob daw siya ng wan, nakakita raw siya ng pinaniniwalaan niyang mga pinutol na katawan ng tao.

"Akala ko karne ng baboy, 'yun pala tao, nakaplastik," aniya.

Sa kanto ng Almeda Highway natagpuan si Junior ng mga kapatid makalipas ang 1 oras. 

"Nakita namin siya na parang takot na hindi mailabas ang iyak. Sana maaksyunan nila (ng mga pulis)," pakiusap ng kapatid ni Junior.

Ilang araw matapos ang pagdukot kay Junior, isang 15 taong gulang naman ang dinukot sa bahagi ng Panganiban Drive bandang ala-1 ng hapon noong Enero 26.

Galing sa eskwelahan at mag-isang umuwi umano ito dahil sa sakit ng ulo.

Kwento ng prinsipal ng eskwelahan na si Lei Gueriba, tumigil sa lugar ang itim na van pero nanlaban umano ang biktima, dahilan ng mga gasgas niya sa katawan.

"Pinukpok siya ng apat na beses, sinipa 'yung lalaki sa pintuan pero hindi pa siya binitawan agad kaya may gasgas sa katawan," dagdag niya.

Nakauwi ang binatilyo sakay ng tricycle pero dinala pa rin siya sa ospital.

Dahil dito, mahigpit ngayon ang seguridad sa eskwelahan.

Pinapa-imbestigahan pa ni Naga City Police Director Juluis Muñez ang mga insidente habang tumanggi muna itong magbigay ng iba pang detalye.

Inaabisuhan ngayon ang mga magulang na makipagtulungan sa otoridad para masiguro ang kaligtasan ng mga bata sa siyudad.