LONDON - Dumagundong sa St. George's Cathedral sa Southwark, London ang pagdiriwang ng ika-14 na taon ng pista ng Santo Niño na selebrasyon ng mga Pinoy sa UK capital.
Nakiisa ang mga deboto na mula pa sa iba-ibang panig ng England. Kabilang dito ang buong pamilya ni Lalaine Capuloy-Bilbao na malaki ang pasasalamat sa Poon dahil biniyayaan sila ng kanyang mister ng dalawang anak na pinangalanan nilang Niño at Niña.
“I wished for a child as well, and after a year, I gave birth to a son. I’m just continuing the traditions because of all the blessings I have received from Sto. Niño,” sabi ni Lalaine Capuloy-Bilbao, deboto.
Pinangunahan ni Archbishop John Wilson ng Archdiocese of Southwark ang banal na misa at pag-bendisyon sa mga imahen ng Sto. Niño.
Hinimok ng arsobispo ang mga deboto na gawing huwaran ang batang Jesus na may dalisay na pagmamahal at matibay na pananampalataya. Inorganisa ng Scalabrini Fathers at ilang Filipino communities ang selebrasyon.
“I am filled with joy like a little child because of the celebration of the Feast of the Sto. Niño, and it's just wonderful to be able to be back in the cathedral after a few years of Covid,” sabi ni Fr. Jake Bicto, organizer.
Pinaghahandaan na rin nila ang mas malaking pagdiriwang sa susunod na taon.
“Because it’s going to be the 15th year of the Sinulog, then we are hoping to invite Cardinal Tagle to be here for our fifteenth year anniversary,” sabi ni Helena Polet-Shewan, member ng organizing committee.
Selebrasyon sa iba-ibang panig ng Europa
Sa Leeds, Yorkshire, England, nagtipon din ang ilang Katolikong Pilipino sa Sto. Niño fiesta at Sinulog festival.
Mahigit 300 Pilipino naman ang dumayo sa Heilig Geist Kirche sa Berlin upang ipagdiwang ang Sinulog Festival. Ito ang pinakamalaking pagsasama ng mga Pinoy sa Berlin, Germany matapos ang COVID-19 lockdowns.
Sa Vienna, Austria, bitbit ang mga imahen, masayang nagpugay ang mga deboto at isinigaw ang viva Pit Señor para sa selebrasyon ng kapistahan ng Sto Niño. Nakiisa ang iba- ibang Pinoy organizations, maging ang third generation Filipinos sa makulay na sayawan.
Nagdaos naman ng misa si Father Ely Dalanon ng Filipino Catholic Chaplaincy. Ipinagmalaki rin ng mga dumalo ang kanilang debosyon at pasasalamat sa Poon.
“Ito ang aming panata sa Leyte, sa Ormoc, Leyte, siya ang aming tagapagligtas sa mga sakuna. Salamat po,” sabi ni Melchora, deboto ng Sto. Niño.
“Pit Senyor! Siya ang nagbibigay sa atin ng lakas, energy at kapayapaan sa buong mundo. Viva Pit Niño!” wika ni Maureen Ramos, deboto.
“Iniaalay namin ang aming pananampalataya, pagtitiwala at pasasalamat ng buong puso kay Pit Niño, Sto. Niño, Viva Sto. Nino!" sabi ni Rose Stumpe, deboto ng Sto. Niño.
“Mahal na mahal ko siya talaga kasi siya ang nakatulong sa akin. Happy fiesta, Sto. Nino de Cebu!” sabi ni Loriza Raga-Steiner, deboto Inorganisa ng Filipino Catholic Chaplaincy sa Vienna at ng grupong Kapunungan sa mga Bisaya sa Austria ang selebrasyon.
Nakiisa rin ang embahada ng Pilipinas sa taunang selebrasyon ng Sinulog.
“Ang Sinulog po ay hango sa salitang 'sulog' which describes the movement of the water current and to me that demonstrates the journey of the Filipinos in their faith and their devotion to the Holy Child Jesus,” sabi ni Irene Susan Natividad, Charge d’affaires, Philippine Embassy sa Vienna.
(Kasama ang ulat nina Hector Pascua sa Vienna, Austria at Grace Sheela Pickert sa Berlin, Germany)
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Europa, Gitnang Silangan at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: