Isinagawa kamakailan sa International Space Station (ISS) ang isang experiment na iminungkahi ng isang college student mula sa Pilipinas.
Kabilang ang experiment na naisip ni William Kevin Abran sa anim na napili mula sa 200 proposal sa 2022 Asian Try Zero-G, para isagawa sa ISS.
Sa experiment, inoobserbahan ang magiging pag-ikot sa outer space ng isang bagay na may shape na dumbbell.
"Ino-observe namin 'yong behavior ng shapes na ganito sa space. Kasi may ibang shapes na kapag pinaikot sa space, depende sa direction, bigla silang nagfi-flip o nagpapalit ng orientation ng pag-ikot," paliwanag ni Abran sa panayam ng Teleradyo ngayong Linggo.
"Pinakita namin na itong shape na 'to, itong dumbbell, ay stable naman at hindi siya magta-tumbling kapag pinaikot sa space," aniya ukol sa resulta ng experiment na ginawa ng isang Japanese astronaut sa ISS noong Enero 17.
Kasalukuyang kumukuha ng kursong applied physics sa University of the Philippines Los Baños si Abran, na taga-Sanchez Mira, Cagayan.
Aminado siyang bata pa lang ay interes na niya ang mga bagay na may kinalaman sa space.
"Siguro 'yong mga nakikita ko sa mga libro noon, 'yong model ng solar system. Pero medyo nawala iyon, 'yong dream to become a space scientist kasi syempre nasa Cagayan ako, nasa dulo ng Pilipinas, hindi siya masyadong nae-explore," kuwento ni Abran.
"Pero buti naman, naging scholar sa isang high school sa ibang probinsiya and doon ako medyo na-expose lalo sa field ng space science," aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.