PatrolPH

6 patay, 14 sugatan sa banggaan ng jeep at truck sa Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2023 03:26 PM

Anim na tao ang nasawi sa banggaan ng isang jeep at truck sa Castilla, Sorsogon.

Nangyari ang aksidente bandang alas-3:45 ng hapon noong Biyernes nang iwasan ng driver ng jeep ang lubak sa kalsada sa may Barangay San Rafael, ayon sa pulisya.

Pero nawalan umano ng kontrol ang driver sa jeep, dahilan para sumalpok ito sa truck na galing sa kabilang direksiyon.

Bukod sa 6 na nasawi, 14 ang nasugatan sa insidente.

Ayon sa Department of Education (DepEd) sa Sorsogon, kabilang sa mga nasawi ang 2 guro mula San Rafael National High School.

Sa pahayag ng lokal na DepEd, sinabing galing sa eskuwelahan ang mga guro para paghandaan ang nalalapit na National Achievement Test (NAT) bago mangyari ang aksidente.

Kasama rin sa mga nasawi ang isang 19 anyos na estudyante mula Sorsogon State University at isang alumni ng Villanueva Gabao Institute Inc. sa Sorsogon City.

Ayon kay Edgar Ardales Jr., pinuno ng Castilla Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), madalas talaga ang aksidente sa lugar dahil sa mga "sharp curve" sa kalsada.

Pinayuhan ng Castilla MDRRMO ang publiko na magbagal kapag dadaan sa lugar upang maiwasan ang mga aksidente.

Balak din umanong magdagdag ng mga signage sa kalsada bilang pag-iingat.

— Ulat ni Aireen Perol

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.