Courtesy of Bureau of Fire Protection San Juan City
MAYNILA - Higit isang oras na na-trap sa loob ng elevator ng isang commercial building sa Brgy. West Crame sa San Juan City ang 12 tao Sabado ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, galing sa basketball court ng gusali ang mga ito at pauwi na sana nang biglang nagka-aberya ang sinasakyang elevator.
Mabuti na lang at may signal sa loob ng naturang elevator kaya nakontak pa nila ang mga kasama sa labas ng gusali na agad namang humingi ng responde.
Unang hinanap ng rescuers ang manual ng elevator pero hindi ito makita ng maintenance ng building.
Kaya nagpasya ang BFP na puwersahin ang pagbubukas ng pinto ng elevator.
Ayon sa BFP, posibleng overloading ang dahilan ng pagtirik ng elevator.
"Yung isang maintenance dun, nilagyan niya ng konting opening. Tapos tinutukan nila ng electric fan para pumasok yung air. Pero pagdating namin, finorcibly entry po ng spreader then bumuka yung elevator para makapasok yung mas maraming hangin," sabi ni FO2 Leo Viado ng BFP San Juan City Fire Station.
"Sa nakita ko po doon, parang may overloading kasi parang siksikan sila. 'Pag medyo marami na yung tao, 'wag na masyadong makisiksik. Maghintay nalang po ng susunod," dagdag niya.
Payo ng awtoridad, kung sakaling ma-trap sa loob ng elevator, huwag mag-panic at humingi kaagad ng tulong.
Maaaring gamitin ang emergency signal ng elevator o tumawag sa mga emergency hotline number.
Manataling kalmado at lumayo sa pintuan ng elevator hangga’t hindi pa dumarating ang tulong.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.