Metro Manila naabot ang pre-surge levels, ayon sa OCTA Research

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2022 05:20 PM

MAYNILA - Naabot na ng Metro Manila ang pre-surge levels ng coronavirus disease (COVID-19), ayon sa OCTA Research. 

Sa tala ng Department of Health, nasa 2,200 na ang mga kaso nitong Biyernes sa rehiyon na mas mababa sa 2,500 noong Eenero 1. 

Pero napansin din ng OCTA na bumagal ang pagbaba ng kaso dahil nag-flat ang mga kaso sa average na 2,000. 

Pero positibo pa rin ang grupo dahil maganda ang ipinapakita ng ibang COVID-19 indicators tulad ng mas mababang reproduction number o average na bilang ng nahahawa ng isang taong may sakit na nasa 0.50 mula 0.52. 

Bumaba na sa -69 porsiyento ang growth rate mula -67 porsiyento.

Nasa 21 porsiyento naman ang bilang ng mga nagpopopositibo sa tine-test bagama't malayo pa sa 5 porsiyentong benchmark ng World Health Organization.

Sang-ayon naman ang public health expert na si Dr. Anthony Leachon na mag-alert level 2 basta't palawakin ang testing at contact tracing. 

"Payag ako pero, again, the timing. Baka dapat eh mid-February kasi nga ‘yung rapid antigen test natin eh wala naman eh sa dami ng cases natin. Tingnan mo ‘yung positivity rate natin kahapon, 34.6 [percent]," ani Leachon. 

Nakikita din ng OCTA Research na nag-peak o naabot ng Cebu agn tuktok ng surge dahil sa pagbaba ng mga kaso. 

Pero maituturing pa ring high risk ang lungsod dahil mataas pa rin ang average daily attack rate nito. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News