MAYNILA - Patuloy na minomonitor ng Department of Health ang kaso ng mas nakahahawang variant ng COVID-19 sa bansa.
“We’re trying to guard our ports. We’re trying to monitor, pero sa ngayon po hangga’t wala tayong resulta ng genome sequence we cannot really say kung merong variant 'yung lugar na 'yan o wala,” pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Noong nakaraang linggo, kinumpirma ng DOH na may 16 kaso ng UK variant na naitala sa bansa.
“Doon po sa nakaraan na 16 na bago nating mga kaso, meron po dyan sa Region 4A at meron din sa Iloilo and binabantayan natin at nagkakaroon tayo ng tracing ng contacts sa mga nasabing lugar,” sabi ni Vergeire sa panayam sa TeleRadyo Biyernes ng umaga.
Unang na-detect ang UK variant sa isang residente ng Quezon City na galing sa Dubai.
Pero paliwanag ni Vergeire na wala pang tiyak na ebidensiyang makapagsasabi na nakakamatay ang bagong variant ng COVID-19.
“Walang sukat na ebidensiya pa rin na ito ay mas severe at ito ay nakakapag-cause ng pagkakamatay,” sabi ni Vergeire. Ang isa pa lamang na tiyak dito sa nasabing virus ay ang pagiging highly transmissible nito.
“Let’s keep the cases low kasi pag mababa ang kaso 'yung variants wala po silang chance na mag thrive at mag multiply at mag spread pa sa ating bansa,” sabi ni Vergeire.
Nitong Huwebes, ikinabahala ng Octa Research Group ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cebu kung saan naga-average umano ito ng 147 kaso kada araw sa nakaraang pitong araw.
“Katulad ng sinasabi namin for this week, nakikita natin na tumataas ang ating mga kaso but its still manageable and the health care utilization remains to be at low risk,” sabi ni Vergeire.
Dagdag niya, “Pero pag tiningnan natin yung granular makikita natin na may mga certain provinces in the country na nakakita tayo ng pagataas ng mga kaso.”
Nakapagtala ang DOH ng 519,575 kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Huwebes, kabilang na ang 475,596 na mga gumaling at 10,552 na namatay.
Huwebes nang mabigyan din ng emergency use authorization ng Food and Drug Administration ang COVID-19 vaccine ng AstraZeneca. Ito na ang ikalawang COVID-19 vaccine na nabigyan ng EUA ng FDA.
“Nakapag-apply na ibang manufacturers at nakapila na sila. Ito po ay pinag-aaralan na ng FDA. Nand'yan na po 'yung Sinovac. 'Yung Gamaleya nagkokompleto lang po ng dokumento but they have signified 'yung interest nila to apply. Aantayin lang po natin in the coming days,” sabi niya.
RELATED VIDEO
Maria Rosario Vergeire, Department of Health, UK variant, COVID-19, COVID vaccine, TeleRadyo