PatrolPH

DA secretary Dar pinagbibitiw, pinasisibak dahil sa pagsirit ng presyo ng baboy

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2021 05:59 PM

DA secretary Dar pinagbibitiw, pinasisibak dahil sa pagsirit ng presyo ng baboy 1
Magbababoy sa Quezon City. Mark Demayo, ABS-CBN News/File 

MAYNILA – Dapat nang sibakin o kusa na lang magbitiw sa puwesto si Agriculture Secretary William Dar dahil umano sa kapabayaan nito na nagresulta sa pagsirit ng presyo ng karneng baboy, ayon sa samahan ng hog raisers.

Ayon kay Nicanor Briones ng Pork Producers Federation of the Philippines, walang malinaw na konsultasyon ang Department of Agriculture (DA) sa kanilang hanay kaya nagkaroon ng sobrang importasyon kahit na meron naman silang suplay ng karneng baboy.

Dagdga ni Briones na humingi na sila ng tulong sa DA noon pa man na bawasan ang importasyon ng baboy subalit hindi aniya sila pinakinggan.

Maging ang karne ng manok ay nagkaroon din aniya ng oversupply noon pang 2020. 

Naniniwala si Briones na dahil sa patuloy na importation, ang kumikita lamang dito ay ang meat importers at mga meat processors. 

Malinaw aniya na ang problema ng kanilang hanay bukod sa African swine fever (ASF) ay ang sobra-sobrang importasyon ng baboy at ang hindi masawatang technical smuggling. 

Dahil dito, dapat na aniyang mawala si Dar sa DA. 

"Dapat ay mag-isip-isip siya, hindi niya (Dar) kaya ang trabaho. Hindi niya tinatanong ang mga stakeholders, para siyang tumitingala at ang solusyon ay without consultation, inirerekomenda niya kay Presidente. Kung hindi niya kaya, mag-resign na siya. Or tanggalin na siya ni Presidente," giit ni Briones.

Wala pang komento si Dar sa pahayag ng grupo.

–Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.