Tour groups umaaray sa epekto ng Wuhan virus sa turismo

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 06:31 PM

MAYNILA — Dama na rin ang epekto ng kinatatakutang Wuhan virus sa industriya ng turismo, hindi lang sa bansa kundi pati sa buong rehiyon. 

Gaya na lang ng pagkansela o pagpapaliban ng mga booking ng mga bumibiyahe galing China dahil sa mga travel restriction.

Sa China, partikular sa Wuhan city sa Hubei province, ang sinasabing pinagmulan ng 2019-novel coronavirus (2019-nCoV), na nakaimpeksiyon sa 2,700 at naging sanhi ng pagkamatay ng higit 100. 

Ang World Dream Cruise Ship na galing Hong Kong at dumaong sa Maynila noong Martes, hindi na pinayagang pumunta sa Subic na susunod sana nitong destinasyon. Balik-Hong Kong ang cruise ship. 

May mga natatanggap na ring kanselasyon ang hotels sa ilang tourist destinations na Boracay at Bohol, na kilalang mga paborito ng Chinese tour groups. 

"The coronavirus is creating quite a significant impact not only in the Philippines but across ASEAN. But we can say [also] globally... Lahat apektado dahil may travel restriction galing sa China. As of January 26, pinagbabawal na ang Chinese tour groups na lumabas ng bansa," ani Ritchie Tuano, presidente ng Philippine Travel Agencies Association. 

Ayon naman sa Tourism Congress of the Philippines, inasahan naman nila ang kanselasyon o pagpapaliban ng biyahe ng mga turista.

Patuloy din silang nakikipag-ugnayan sa mga negosyong may kinalaman sa turismo para sa paghahanda, pag-iingat, at pagtugon sa banta ng Wuhan virus. 

Sa datos ng Department of Tourism (DOT), higit 1 milyong Chinese tourists ang bumisita sa bansa noong 2019, ang ika-2 sa pinakamaraming banyaga. 

Ayon sa DOT, pinauubaya nila sa Bureau of Immigration at Department of Health (DOH) ang paglikha ng mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga bumibisita sa bansa at ng mga Pilipino.

Nitong Miyerkoles, sinabi ng DOH na wala pang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV sa Pilipinas, pero may higit 20 ang inoobserbahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.