'Tindahan' ng Taal evacuee, nag-viral

Merwin Javier, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 04:08 PM

Pinasalamatan ni Christian Finn De Villa ang lahat ng mga nag-donate sa tulad nilang evacuees dahil sa pagputok ng bulkang Taal sa Batangas. Pabiro niyang sinabi na nagka-instant tindahan siya sa dami ng relief goods na natanggap. Larawan mula kay Christian Finn De Villa

Nag-viral matapos na ikinatuwa ng mga netizens ang social media post ng isang evacuee sa Batangas na tila'y nagkaroon ng instant sari-sari store sa dami ng relief goods na natanggap matapos ang pagsabog ng bulkang Taal.

Sa Facebook post ni Christian Finn de Villa, isang evacuee mula sa Taal, ipinakita niya ang mala-panindang latag niya sa mga relief goods na natanggap. 

 

Ang kaniyang post noong Enero 26 ay umani na ng higit sa 12,000 reactions, at 9,000 shares sa Facebook.

“Napagtripan ko pong picture-an at i-post sa Facebook. Hindi ko po akalain na sisikat nang gano'n,” kuwento niya.

Pagbiro ng binata, magtatayo na siya ng sari-sari store dahil sa rami ng biyayang natanggap, tulad ng dalawang sako ng bigas, mga pagkaing de-lata, tubig, sardinas, noodles at biscuits.

“Hindi ko naman po gagawing tindahan ‘yun. Katuwaan lang po. Kilala po tayong mga Batangueño na mabiro,” dagdag niya.

Para sa kaniya, mahirap daw ang maging isang evacuee. Pero nabubuhayan siya ng loob dahil sa sunod-sunod na pagdating ng tulong mula sa mga kababayan. 

“Sobra pong daming dumadating, sunod-sunod. Pag-alis po ay payat. Pagdating ay bundat na. Pagdating po namin doon, inaasikaso po kami ng mga teacher from Rosario East Central,” sabi niya.

Ibinahagi rin niya sa social media ang mga damit na kanilang natanggap mula sa mga nag-donate.

Tila may production number nga sa ASAP ang buong pamilya nito dahil sa natanggap na blazer sa evacuation center.

Ikinatuwa rin ng marami ang post nito tungkol sa damit na natanggap ng kaniyang nanay, na aniya'y nagmistulang bagong kalihim ng Department of Education.