PANOORIN: Wastong pagsuot ng face mask para iwas-mikrobyo, sakit

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 01:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Ngayong nakaalerto ang mga awtoridad sa banta ng 2019 Novel Coronavirus, ipinapayo nila ang pagsuot ng mga mask para maiwasan ang sakit. 

Pero alin nga ba sa mga maskara ang mas akmang suotin at paano dapat ang pagsuot nito? 

Iyan ang ibinahagi ng infectious disease specialist na si Rey Salinel sa programang "Umagang Kay Ganda" ngayong Miyerkoles. 

May tatlong klase ng medical mask na maaaring gamitin, ayon kay Salinell: ito ang surgical mask, N95 mask, at R95 mask. 

Sa tatlong maskara, mas mainam na gumamit ng N95 mask kung pag-uusapan ang pag-iwas na makalanghap ng masasamang mikrobyo, ayon kay Salinel. 

"It absorbs 99 percent of the articulate matter," ani Salinel. 

Ginagamit naman aniya ang R95 kung inaasahang makakalanghap ng mga oil-based na kemikal gaya ng insecticide. 

Pero kung gustong makatipid, maaaring gumamit ng surgical mask ayon kay Salinel. Iyon lamang aniya, mas mababa ang filtration level nito. 

Walo hanggang 10 oras lang aniya maaaring gamitin ang surgical mask, kung ikukumpara sa N95 mask na maaaring gamitin hangga't hindi pa ito nade-deform. 

Kung gagamit ng surgical mask, iwasang hawakan ang asul na parte nito. Dapat ding pinipiga ang matigas na parte nito para mas makahinga nang mabuti ang gagamit. 

"Dito pumapasok ang mga hangin. Siya ang magba-block [ng masasamang particles]," aniya. 

Ayon kay Salinel nasa 50 hanggang 60 porsiyento lang ang filtering power ng surgical mask. Pero may paraan naman daw para mapalakas ito. 

"Para tumaas ang filtering power, maglalagay ka ng dalawang facial tissue lalagyan mo siya. doblehin mo para lalong kumapal para tumaas ang filtration efficiency," ani Salinel . 

Hindi para sa lahat ang paggamit ng surgical mask ayon kay Salinel.
 
"Kung may sakit gaya ng emphysema, bronchitis, sakit sa puso, huwag muna itong gamitin," aniya. 

Payo pa niya, mas makabubuti kung talagang palalakasin ang resistensiya, gaya ng pagkain nang masustansiyang pagkain at ang pag-iwas sa pagpupuyat. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.