Pagcor employee na tumatayong 'fixer' timbog sa entrapment ng NBI

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 06:35 PM | Updated as of Jan 30 2020 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano'y pagiging "fixer" nito at pamemera sa mga pasyenteng humihingi ng financial assistance sa ahensiya. 

Sa labas mismo ng Pagcor office inaresto ang messenger na si Anthony Rabanillo matapos tanggapin ang P1,500 mula sa nagpanggap na pasyente.

Kapalit umano ang pera ng pagpapabilis ni Rabanillo sa proseso ng paghingi ng financial aid. 

Pero paliwanag ng suspek, pinagbigyan niya lang ang mga nakikisuyong pasyente.

"Kulang kasi 'yung mga dokumento... Hindi ko nga alam bakit ako binibigyan ng pera," aniya. 

Nasa 10 taon na daw sa serbisyo ang suspek. Pagcor mismo ang nagpaimbestiga kay Rabanillo matapos magreklamo ang isang pasyente. 

Humihingi rin daw kasi si Rabanillo ng 30 porsiyento mula sa perang makukuha ng pasyente mula sa Pagcor.

"Sinira na nga niya 'yung sistema namin dito ng pagpipila ng mga pasyente, tapos kumokotong pa siya," ani Jimmy Bondoc, vice president for corporate social responsibility ng Pagcor.

Paniwala ng NBI at Pagcor, may mga kasabwat pa si Rabanillo, lalo't hindi niya trabaho ang tumanggap ng mga request na financial assistance.

Kulong si Rabanillo sa paglabag sa Anti-Gaft and Corrupt Practices Act at sa Anti Red Tape Law. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.