Mga Pinoy pinag-iingat sa iligal na restaurant job offers sa Israel

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 12:11 PM

MAYNILA – Pinaalalahanan ng embahada ng Pilipinas sa Israel na walang trabahong alok sa mga restaurant sa naturang bansa. 

Sa press statement ng embahada na ipinarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), may mga report na natatanggap na may isang “Ilan Davidovich” ang nag-aalok ng trabaho sa Israel gamit ang Facebook kung saan mga taga-Cebu at Maynila ang binibiktima.

Batay naman sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA, illegal recruitment ang ginagawa nito sa Facebook dahil wala namang trabahong alok ang mga restaurant sa Israel para sa mga Pilipino.

Modus ni Davidovich ang hikayatin para sa direct hiring ang mga Pinoy na nais na magtrabaho bilang cook, waitress at housekeeping sa mga restaurant. Nasa higit P75,000 ang sahod umano kada buwan kapalit ng P370,000 na service fee.

Ayon sa DFA, ang government to government labor agreement for hotel workers ay walang partisipasyon ng pribadong tao o recruitment agencies at tapos na ang aplikasyon nito sa POEA noong Nobyembre 2019.

Inaabisuhan naman ang publiko na isumbong ang mga kaduda-dudang transakyon ng mga tao sa POEA Illegal Recruitment Branch sa telepono bilang 722-1192 o sa hotline number 722-1144 at 722-1155.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.