Mga mag-aaral sa Batangas City balik-eskuwela na

Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 01:06 PM

Balik-eskuwela na ang mga mag-aaral ng Batangas City East Elementary School na nagsisilbi ring evacuation center ng mga pamilyang naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.

BATANGAS CITY - Puno ng sigla ang mga mag-aaral sa unang araw ng pasukan sa Batangas City East Elementary School, Miyerkoles ng umaga. 

Ito’y matapos na opisyal na ibaba ni Mayor Beverly Dimacuha ang utos sa ilalim ng Executive Order No. 1 na balik-eskuwela na sa lahat ng antas ang mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod ng Batangas matapos maantala dahil sa pagputok ng Bulkang Taal. 

Ayon kay Dr. Felizardo Bolaño, Division Superintendent ng Batangas City, nagpatuloy na ang mga klase sa 17 paaralan sa lalawigan ng Batangas na nagsilbing pansamantalang tahanan ng evacuees.

Mayroon na ring displaced learners na pumasok, habang ang iba naman ay bukas magsisimulang umupo sa mga klase tulad ni Nylana Holgado.

Ang Grade 5 student mula sa Pansipit sa bayan ng Agoncillo ay ikinatuwa ang muling pagbubukas ng klase. Masaya rin siya na makakapag-aral sa paaralang nagsilbing evacuation center nila.

Umaabot sa 1,570 ang mga estudyante sa Batangas City East Elementary School mula kinder hanggang grade 6, kabilang na dito ang nasa Special Education Program o SPED at mga nasa Alternative Learning System o ALS. 

Samantala, mayroon pang 13 pamilya o 45 indibidwal na pawang mga taga-Agoncillo ang nanunuluyan sa naturang paaralan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.