4 timbog sa drug operation sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 05:52 AM

Arestado ang 4 lalaki matapos magpositibo umano sa drug operation ng mga pulis Miyerkoles ng madaling araw sa Topaz Street, Ortigas, Pasig City.

Ayon kay Police Lt. Sandro Jay Tafalla ng Quezon City Police Station 8, naunang hinuli kagabi si alyas Jay matapos makuhanan ng 2 gramo ng hinihinalang shabu sa Barangay Tagumpay, Project 4, Quezon City at itinuro ang umano’y kanyang source mula sa Pasig.

Modus operandi umano ng suspek ang magbenta ng ilegal na droga gamit ang gay dating app.

Nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis sa Pasig at nalambat ang 3 pang lalaki na nakuhanan naman ng 8 sachet ng hinihinalang shabu. 

Arestado ang tatlo pero tumanggi silang sangkot sa droga at wala rin umano silang account sa gay dating app. Posible umanong napagkamalan lang sila. 

“Bigla na lang kaming hinuli ng mga pulis, walang Miranda Rights. ‘Di kami kasali diyan,” ani alyas Kenneth. 

Sa kabuuan, nagkakahalaga ng P68,000 pesos ang nakumpiskang droga. 

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.-Ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.