Wanted person na nanlaban sa pulis, sugatan

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 10:10 AM

Tinamaan ng bala sa dibdib ang wanted person na si Muamar Asilum matapos na manlaban umano ang suspek sa paghahain ng arrest warrant laban sa kaniya sa Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Sugatan ang isang wanted person matapos umanong manlaban sa mga pulis na naghain ng arrest warrant laban sa kaniya sa Barangay Santo Niño, Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, unang nagpaputok si Muamar Asilum sa mga operatiba ng Regional Public Safety Battalion. Hinabol ng mga pulis ang suspek na nagtago sa isang abandonadong gusali.

Nagkaroon umano ng palitan ng putok hanggang sa matamaan sa dibdib si Asilum.

Isang kalibre .45 na baril ang natagpuan sa kamay ng suspek na isinugod sa ospital makalipas ang ilang minuto.

Hindi na nagbibigay ng dagdag na detalye ang pulisya kung anong kaso ang kinakaharap ni Asilum sa korte. Hindi rin ipinakita ng mga pulis ang arrest warrant laban dito.

Itinanggi naman ng pamilya ni Asilum na may baril ang kanilang kaanak.

Wala din daw silang alam sa mga bintang laban kay Asilum.

Nag-panic naman ang ilang residente ng barangay matapos na makarinig ng ilang putok ng baril.

Higit dalawang oras ding hindi pinalabas ang mga residente sa kani-kanilang bahay dahil sa isinigawang clearing operation ng mga pulis.

Plano naman ngayon ng mga opisyal ng barangay na paalisin na ang mga pamilyang nakatira sa abandonadong gusali na nagiging pugad na umano ng mga masasamang loob.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.