Sundalong nasawi sa pambobomba sa Jolo, breadwinner ng pamilya

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 05:11 AM | Updated as of Jan 29 2019 11:55 PM

Contributed photo

Hustisya ang hiling ng pamilya ng isang sundalo na kabilang sa nasawi sa pambobomba sa Jolo, Sulu noong Linggo.

Tumayong breadwinner ng pamilya si Cpl. Alison Ayuman na nakatalaga sa 35th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ayon kay Victor Ayuman, tiyuhin ng biktima, si Alison ang nagpaaral sa kaniyang mga nakababatang kapatid.

Watch more in iWantTFC

"Sana ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nila," aniya.

Dagdag ni Victor, si Alison din ang sumusuporta sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya nang mamatay ang kanilang ama noong 2017.

Hiling sana ni Alison, mapaayos ang kanilang lumang bahay sa Lanao del Norte at makabili ng sariling lote.

 

Samantala, nakuhanan din sa ibang CCTV ang nangyaring pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral

Ayon kay Mel-ud’deen Sibulan na nag-post ng CCTV footage sa social media, higit 300 metro ang layo ng kanilang law office mula sa simbahan.

Maririnig ng bahagya sa video ang lakas ng pagsabog na yumanig sa halos buong Poblacion ng Jolo.

Makikita sa video na nagsitakbuhan ang ilang nanay bitbit ang kanilang mga anak papalayo sa pinangyarihan ng pagsabog. Humarurot din palayo ang ilang mga sasakyan dahil sa takot.

Makalipas ng 2 minuto, isa pang malakas na pagsabog ang yumanig sa simbahan.

Makikita ulit sa video kung paano kumaripas ng takbo ang ilang residente matapos marinig ang pangalawang pagsabog.

Nasa 20 ang namatay sa nangyaring pag-atake sa simbahan, kabilang ang 5 sundalo, isang taga-Coast Guard, at 14 na sibilyan. Higit isang daan naman ang nasugatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.