SAPUL SA CCTV: Estudyante na-'budol-budol' sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 05:27 AM | Updated as of Jan 29 2019 06:54 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sapul sa CCTV ang pambibiktima ng budol-budol gang sa isang estudyante sa Sampaloc, Maynila.

Natangay ng mga suspek ang bag ng estudyante na naglalaman ng cellphone at wallet.

Base sa imbestigasyon, naghihintay ng masasakyang pauwi ang biktima sa Magsaysay Boulevard nang kausapin ng isang lalaki alas-4 Lunes ng hapon.

Ayon kay Gloricel Camposano, secretary ng Barangay 581, nagtanong umano ng direksiyon ang lalaki sa biktima. 

Nakuhanan sa ibang CCTV na palakad-lakad ang biktima, kasama ang lalaki at kasabwat nito. Hanggang sa sumulpot sa CCTV ang isa pang lalaki na bitbit na ang bag ng biktima.

"Na-budol-budol po siya. Kahit sa sarili niya, nagulat siya na ibinigay niya 'yung gamit niya...Nahilo daw siya. Parang na-blackout siya," dagdag ni Camposano.

Iniimbestigahan na ang insidente at magiging basehan ang mga CCTV footage para makilala ang mga kawatan. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.