Mangingisdang 12 oras na nagpalutang-lutang, nailigtas

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 01:28 AM

MISAMIS ORIENTAL - Nasagip ng mga awtoridad sa karagatang sakop ng Tagoloan, Misamis Oriental ang isang mangingisda matapos lumubog ang kaniyang bangka.

Nagpalutang-lutang ng 12 oras sa dagat si Henry Gabitano, 73 anyos, noong Sabado ng hapon.

Naglayag Biyernes ng hapon mula Jasaan ang biktima, kasama ang kaniyang bayaw na si Jonel Tajuda. Pinataob ng malalaking alon ang kanilang bangka Sabado ng madaling-araw.

Humingi ng tulong si Tajuda nang mapadpad ito sa Tagoloan sakay ng naanod na bangka.

Hindi naman inakala ni Gabitano na maililigtas siya lalo na at nanghihina na ang kaniyang katawan.

"Sabi ko, wala na akong pag-asa kung walang maka-rescue sa akin. Hindi na ako aabutan ng umaga kasi masakit na likod ko sa lakas ng hampas ng mga alon," aniya.

Nagpasalamat naman ang kaanak ng mga mangingisda dahil parehong nakaligtas ang 2.

Paalala naman ng mga awtoridad, bagama't walang anunsiyo galing sa Coast Guard, mabutihing magkusa nang umuwi kung malalakas ang alon habang naglalayag.

Desidido pa rin si Gabitano na bumalik sa pangigisda, oras na lumakas siya lalo na at ito lang ang kanilang kabuhayan.

Kailangan din niya ng tulong na magkaroon ng bagong bangka matapos itong masira. - ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.