'Jolo church blast walang kinalaman sa BOL plebiscite'

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 02:41 PM | Updated as of Jan 29 2019 11:36 PM

Sa huling tala ng PNP, 21 na ang napatay habang 100 iba pa ang nasugatan sa pagsabog, na nangyari ilang araw matapos maratipika ang Bangsamoro Organic Law. Photo courtesy, Jeff Abduraja

Walang kaugnayan ang magkasunod na pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL), ayon sa Philippine National Police (PNP). 

Sa huling tala ng PNP, 21 na ang namamatay habang 100 iba pa ang nasugatan sa pagsabog, na nangyari ilang araw matapos maratipika ang BOL. Layon ng batas na bigyan ang mga Muslim sa Mindanao ng mas malawak na kapangyarihang pamahalaan ang sarili sa kanilang rehiyon.

Ayon kay PNP spokesperson Senior Supt. Bernard Banac, posibleng kagagawan umano ang mga pagsabog ng Ajang-Ajang faction ng grupong Abu Sayyaf, base sa ebidensiyang nakalap na ng mga awtoridad. 

Kinontra din nila ang pag-ako ng pandaigdigang teroristang grupong Islamic State (IS) sa pagpapasabog. 
 
"Based on our investigation, there is no connection between the two. This thing that happened, the bombings, is just a clear and simple act of terrorism. It has nothing to do with the plebiscite," ani Banac. 

(Base sa aming imbestigasyon, hindi magkaugnay ang dalawang insidente. Itong pambobomba ay uri ng terorismo. Wala itong kinalaman sa plebisito ng Bangsamoro.) 

Ayon sa tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Colonel Noel Detoyato, posibleng babae ang nagpasok ng bomba sa loob ng simbahan. 

"In the course of the investigation may natanong na mga wounded sa ospital, dalawa sa kanila ang nagsabi na may nakita silang babae na nag iwan ng black bag on the 5th pew ng simbahan coming from the back," aniya. 

Itinuturing na suspek sa magkasunod na pagpapasabog ang isang alyas "Kamah" na kapatid ng yumaong lider ng Abu Sayyaf na si Surakah Ingog. 

'AJANG-AJANG FACTION NASA LIKOD NG JOLO BLAST'

Watch more in iWant or TFC.tv

Galing umano si Alyas Kamah sa Ajang-Ajang faction, na "notoryus" umano sa mga petty crime gaya ng panghoholdap at snatching. Pero sumabak na rin umano sila sa malalaking krimen gaya ng paningikil, pambobomba at pagdurukot.

Ayon kay Western Mindanao Command spokesperson Lieutenant Colonel Gerry Besana, hawak ni alyas "Kamah" ang cellular phone na ginawang triggering device ng bomba. May mga kasamahan din umano ito nang mangyari ang pagsabog. 

 

Pero ayon kay Banac, kinakailangan pa rin daw ng mga testigo at ebidensiya para mapalakas ang kaso laban sa grupo.

PLEBISITO NG BOL TULOY PA RIN 

Nauna nang sinabi ni Commission on Elections (Comelec) spokesman James Jimenez na walang epekto ang pambobomba sa Jolo, Sulu dahil tapos na ang plebisito roon. 

Itutuloy din ng Comelec ang susunod na plebisito para sa BOL sa Pebrero 6, kung saan tutukuyin pa ang ibang mga lugar na posibleng maging bahagi ng itatatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Magdaragdag ng 1,700 pulis at 1,600 sundalo sa mga lugar na apektado ng ikalawang bugso ng plebisito para matiyak na hindi magkakaroon ng pagsabog sa lugar. 

Samantala, isinailalim na ng Bureau of Immigration (BI) sa heightened alert ang mga personnel sa lahat ng international airport at seaport sa buong bansa, ayon kay BI Commissioner Jaime Morente. 

Ito raw ay para mapigilan ang ano mang posibilidad ng pagpasok ng dayuhang terorista kasunod ng pagsabog. 

-- May ulat nina Maan Macapagal, Queenie Casimiro, Roxanne Arevalo, Chiara Zambrano, at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.