Guro sa Iligan, pinatay ng dating nobyo habang nasa klase

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 08:21 PM

ILIGAN CITY — Napatay ang isang babaeng guro sa lungsod na ito matapos pagsasaksakin ng dati umano niyang nobyo, sabi ngayong Martes ng pulisya.

Nasa gitna ng klase noong Huwebes si Cheryl Dologuin, 36, nang pumasok ang suspek at pinagsasaksak siya. Pinatakbo pa raw ng biktima ang mga estudyante para hindi madamay ang mga ito.

Nagkasa na ng operasyon ang pulisya para mahuli ang suspek, ayon kay Chief Inspector Jovanie Cabusas, tagapagsalita ng Iligan City police.

"Mayroon tayong follow-up or police operations para mahuli ang suspek at mapanagot sa kaniyang ginawa," sabi ni Cabusas.

Hiniwalayan daw ni Dologuin ang lalaki matapos malamang may asawa at mga anak ito, ayon sa ina ng biktima.

Pero ayaw daw makipaghiwalay ng lalaki kaya nakipagrelasyon si Dologuin sa iba para lubayan ng dating nobyo.

May mga text message din umanong natanggap si Dologuin mula sa suspek, na nagpapahayag ng pagbabanta kapag hindi raw siya nakipagkita sa suspek.

Mahaharap sa kasong murder ang lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.