'French Spiderman' huli matapos umakyat ng gusali sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 03:27 PM | Updated as of Jan 29 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng mga awtoridad nitong tanghali ng Martes ang isang dayuhang binansagang “French spiderman” matapos nitong akyatin ang isang gusali sa Makati City nang walang suot na safety gear.

Kilala ang dayuhan na si Alain Robert, 56, sa kaniyang pag-akyat sa mga matataas na estruktura sa iba-ibang panig ng mundo gaya ng Eiffel Tower sa France, Petronas Towers sa Malaysia, at Empire State Building sa New York.

Hinuli si Robert matapos makababa mula sa tuktok ng G.T. International Tower sa Ayala Avenue, Makati City.

Bandang alas-11 ng umaga sinimulan ni Robert ang pag-akyat at mabilis na nakarating sa tuktok ng gusaling may 46 palapag, ayon kay Makati City police chief Senior Superintendent Roger Simon. 

Habang pababa si Robert, nagpuwesto pa ng inflatable na pansalo ang mga awtoridad para saluhin ang dayuhan sakaling magkaaberya, pero ligtas naman siyang nakababa at tumalon pa sa pansalo.

Pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung ano ang mga kasong maaaring isampa laban kay Robert.

-- Ulat nina Johnson Manabat at Jerome Lantin, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.