Duterte: Durugin ang Abu Sayyaf, IS

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 04:02 PM

Inutusan noong Lunes ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar na puksain ang Abu Sayyaf matapos madawit ang teroristang grupo sa magkasunod na pagsabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu.

"Tutal ang gusto ninyo diyan — may armas man kayo — obviously patayan ang gusto ninyo. Eh ‘di ibigay natin," sabi ni Duterte sa isang talumpati sa harap ng mga sundalo at kaanak ng mga biktima ng pagsabog.

"I ordered you to destroy the organization. I’m ordering you now: pulpugin ninyo ang Abu Sayyaf by whatever means," dagdag ng pangulo.

Binisita ni Duterte noong Lunes ang Our Lady of Mount Carmel Cathedral, kung saan nangyari ang magkasunod na pagsabog noong Linggo.

Sumabog ang unang bomba bandang alas-8:30 ng umaga sa gitna ng misa. Sinundan naman ito ng isa pang pagsabog sa parking area ng simbahan habang rumeresponde ang mga awtoridad sa naunang pagsabog.

Umabot na sa 21 tao ang namatay habang 80 iba pa ang nasugatan sa atake, na nangyari ilang araw matapos maratipika ang isang panukalang batas na magbibigay sa mga Muslim sa Mindanao ng mas malawak na kapangyarihang pamahalaan ang kanilang sariling rehiyon.

Bukod sa Abu Sayyaf Group (ASG), tinira rin ng pangulo sa kaniyang talumpati ang teroristang grupong Islamic State.

"Iyong ISIS, kayo rin ang humingi. Uupakan ko talaga kayo. Gagamitin ko lahat. Gagamitin ko lahat," ani Duterte.

Isang alyas "Kamah" — na kapatid ng isang yumaong Abu Sayyaf leader — ang isa sa mga suspek sa pagsabog matapos siyang mahagip ng closed-circuit television (CCTV) sa paligid ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral bago nangyari ang mga pagsabog.

Inako rin ng Islamic State ang mga pagsabog sa Jolo pero may duda ang mga awtoridad sa pahayag ng grupo lalo at wala pang patunay na suicide bombing ang nangyari.

-- May ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.