Bahay sa Davao City, nasunog

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 10:12 AM

Hindi na kumalat pa sa mga katabing bahay ang sunog na maagap na naapula ng mga bumbero at mga tumulong na residente. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Walang naisalba ang isang pamilya matapos na lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa Upper Madapo Hills, Barangay 8-A sa lungsod na ito, Lunes ng madaling araw.

Nahirapan ang mga bumbero makapasok sa lugar dahil sa masikip ang daan kaya’t pinagdugtong na lang nila ang kanilang water hose.

Napag-alaman na ang bahay ay pagmamay-ari ni Milagros Punsalan at ang ikalawang palapag nito ay mga kuwarto na paupahan.

Ayon sa boarder na si Laurence Aniasco, sa ikalawang palapag ng bahay nagsimula ang apoy.

"Nag-alala kami kasi may mga nakatira sa taas, malaki na ang apoy, isa lang ang daanan dito" sabi ni Aniasco.

Bukod sa mga bumbero, nagtulungan din ang mga residente sa pag-apula ng apoy kaya ‘di na ito kumalat pa sa mga katabing bahay.

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang dahilan at danyos ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.